Dahil sa Buwan ng Wika ay magsusulat ako ngayon sa wikang Pilipino. Nguni't huwag nyong akalain na tuwing Linggo ng Wika ko lang ito ginagawa. Sa bahay ay pambansang wika ang gamit namin (at paminsan-minsan naman ay nag-i-Ilocano rin kami) kung kaya't nakakaintindi ang anim na taon naming anak nito kahit na nahuhubog ang kanyang utak na magsalita ng Inggles. Gusto namin syang maging bilingual at nang makahalubilo nya ang kanyang mga pinsan kapag nagbababakasyon sa Pilipinas.
Masarap bigkasin ang ating wika. Para kang tumutula. Ng mahabang mahaba. At uupo kasi tapos na po. Ang mga bugtungan natin, kay hulaan. At ang ating mga Kundiman ay makababag-damdamin! Kung kaya't hinihikayat ko si Ginoong James Soriano na muling buksan ang kanyang isipan at bigyan ng pagkakataon ang kanyang sarili na suriin ang wikang Filipino sa kanyang makulay na nakaraan. Magbasa ng Florante at Laura, ang Ibong Adarna, mga likha ni Lualhati Bautista. O kaya ay manood ng sarsuela (kung meron pa...) at manood ng pelikulang Pilipino.